|
Naalala ko nung unang sinabi mo sa akin na takot lang kasi ako sa pagbabago kahit alam naman ng lahat at sa sarili ko na makakaya ko anuman ang mangyari. Lubhang nabigla ako sa sinabi mo matapos ang isang mahabang katahimikan habang kumakain tayo sa paborito nating kainan. Binanggit mo ito ng biglaan at hindi ko inaasahan.
Natatandaan ko pa kung paano nagmadaling umakyat ang dugo sa ulo ko dahil sa mga katagang sinabi mo. At kung papaano nawala ang aking diwa matapos mo'ng sabihin yun. Nablangko ako, ika nga nila. Bagamat nararamdaman ko pa rin hanggang ngayon ang bigat ng mga naghahabulang yabag sa dibdib ko at ang pakiramdam ng sandaling nawalan ng hininga, hindi ko maiwasang makaramdam ng takot sa hindi maipaliwanag na dahilan. *** Sinabi ko sa iyo noon habang nakadungaw tayo sa bintana at marahan pa ang bagyong parating na ayoko ng umuulan dahil nalulungkot ako kapag nakikita ko ang walang tigil na pagbuhos nito. Inabangan ko ang sasabihin mo subalit hindi ka umimik at pinako mo lamang ang iyong sarili sa pagtitig sa labas. Muli ko'ng binalik ang sarili sa muling pagdamdam sa mabibigat na patak ng ulan: nang bigla ko'ng naramdaman ang bahagyang paghigpit ng hawak mo sa aking kamay. Mula noon, naging maliwanag at makulay na ang bawat pag-ulan at bagyong dumating. *** Nang matapos ang tag ulan sa taong yun, niyaya mo ako sa probinsiya niyo. Dinala mo ako sa pampang na madalas mo'ng puntahan nuong bata ka. Tinawid natin ang mga naglalakihang bato sa dulo ng mahaba at nakakapasong pampang, isang bagay na hindi ko malilimutan. Habang naglalakad tanging mga alaala ang naging bukambibig mo sa akin. Doon ko napagtanto na doon ka lamang nagsimulang magpakilala sa akin. Nang marating natin ang batuhan, dagli ako'ng nakaramdam ng takot dahil sa tulis at dulas ng mga batong aking inaapakan. Subalit pinilit ko'ng maging matapang at itinago iyon sa iyo. Ayokong biguin ang pananabik na ngayon ko lang nakita sa mga ngiti mo: ayokong isipin mo'ng mahina ako. Pagdating sa gitna ng batuhan, tumigil ako sandali nagpahinga't pinagmasdan ka. Nabigla ako sa maliksing at walang takot na pagtawid mo sa mga naglalakihang batong linalatigo ng mga lampas-taong alon, animo'y naglalaro ka lang. Duon ko napagtanto, ngayon ko lamang nakita ang parteng "bata" sa personalidad mo:napakainosente ngunit napakatapang na bata. Nakakagulat isipin na kabisado mo pa rin ang mga batong aapakan mo gayong sabi mo halos limang taon ka ng hindi umuuwi dito. Ganun nga talaga siguro kapag importante sa iyo ang isang bagay, hindi madaling malimutan. Sa kanlungan ng iyong kamusmusan, napansin ko na nag-iba ang asal ng dagat sa dakong ito ng isla. Payapa at halos hindi gumagalaw ang mga alon. At tulad nito, napansin ko rin ang biglaang pagbabago mo. Agad ka'ng tumakbo't umupo sa lilim ng isa sa iilang mga puno sa pampang pero hindi mo naman nalimutan itanang ang kamay ko. Pagkaupo, taimtim mo'ng tinanaw ang walang katapusang kalatagan ng kulay asul na karagatan. Tuluyang nawala ang makulit na bata at nangulila ako sandali. Hanggang ang lahat ay unti-unting naging payapa at malalim para sa iyo. Muli, tulad ng napakaraming sandali, hindi ko naiwasang malunod sa kapayapaan ng pagkatao mo. *** Umaga na ng maisipan nating umuwi. Inabutan na ng pagputok ng araw ang pagkakadantay ng aking ulo sa dibdib mo. Buong magdamag, tulad ng inaasahan walang nagtangkang umimik sa pagitan nating dalawa. Ito na marahil ang pinakapayapang gabi ng aking buhay at palagay ko hindi na muli ito mauulit kahit kailan. Sa mga sandaling yun, tanging pagtibok ng puso mo ang narinig ko at kahit saglit hindi nangalay ang tenga ko sa pagkabisado sa ritmo ng pagtibok nito. Taimtim ko itong pinakinggan at ginalugad; umaasang kahit minsan maibulong nito ang pangalan ko. Buong gabi kong pinilit ang sariling gising kahit na nakakahalina ang paghele ng iyong marahang hilik. Subalit nadaig ng aking pananabik ang antok na gabi-gabi akong binabalikan. Hanggang sa ang lahat sa iyo'y unti-unting naging monotono't panatag at ang lahat sa akin ay unti-unting nagbabago. Napangiti ako sa yugtong iyon ng ating pagniniig, dahil sa realisasyong walang pangakong sinambit ang pintig ng iyong dibdib. Kundi ito ay nagwika lamang ng mga salitang hindi nanambit. Kungsaan, tayo ay iinog hindi sa anumang sumpa o pangako kundi sa pag agos na kapwa nating linikha't lilikhain. Doon ko naisip wala nga marahil talagang tinatawag na tadhana at tayong lahat ay hindi tinadhana para sa bawat isa. Nalungkot ako sandali subalit tinanggap ko na rin naman ang posibilidad na mawawala ka rin sa akin balangaraw. Ito ay dahil sa simpleng kadahilanang ito ang batas at katangian ng buhay. Napangiti na lamang ako sa mga naiisip ko, parang hindi ako ang nagsasalita nung sandaling yun. Bigla ko'ng naramdaman ang marahang paggalaw ng mga alon: tumataas na ang agos ng dagat. *** Nang pauwi na tayo, iba ang daang tinahak natin. Inaasahan ko pa man din na babalik tayo sa mga malalaking bato sa dulo ng pampang. Nagbabakasakali kasi akong kabisado ko na rin ang mga batong ligtas apakan at mayayakap ko rin ang mga naglalakihang alon sa gitna ng batuhan tulad ng ginagawa mo. Gusto kong lang makita mo ito. Sa isang malawak na parang tayo dumaan. Nalula ako sa nagtataasang talahib na ngayon ko lamang nakita sa buong buhay ko habang dinidilaan ako ng basang hamog ng iba't-ibang uri ng mga halaman. Napansin ko rin na nag-iba muli ang samyo ng hangin sa parteng ito. Naisip ko tuloy na parang nalibot na natin ang buong mundo sa paglalakad na ito. Habang hinahawi mo ang mga nagtataasang talahib upang makagaw ka ng madadaanan biglang nagtanong ka sa akin. Tinanong mo kung, ano ang pinakatatakutang bagay ko? Bigla akong nahinto at napaisip gayong alam ko rin naman ang sagot ko sa mga ganitong tanong. Sinabi ko sa iyo na natatakot akong dumating ang araw na makikita ko ang sarili ko na mag-isang nakaupo sa upuan habang nakatingin sa bintana at hinihintay ang paglubog ng aking araw. Bigla mo akong lumingon habang patuloy ka sa paghawi ng mga talahib. Napatingin rin ako sa iyo at nakaramdam ako ng kurot sa aking dibdib sa tingin na binaling mo sa akin. Matapos ang ilang saglit ngumiti ka at binalik ang paghawi sa mga nakakasugat na talahib. Natatandaan ko pa ang mga katagang iyon, sinabi mo, lahat naman tayo sa loob ng ating mga sarili, alam natin ito ang ating pinakakatakutan ---ang mag-isa. Turing mo pa, anuman ang susunod dito ay superpisyal na lamang dahil inebitableng ang lahat ay mawawala lalo na sa tulad natin na tinuturing na di tanggap. Tulad nga ng sinasabi ng karamihan lalo na sa relasyong gaya ng sa atin, ito ay temporaryo lamang at hindi nagtatagal. May posibilidad na sa kalauna'y hindi pa rin pala tayo ang para sa isa't isa. Matagal ko ng tinanggap yun at sana matutunan mo rin. Ako naman ang hindi umimik sa sandaling yun. Hindi ko mawari kung paano ang isang napakapayak na kataga ay hindi ko magawa na lubusang maintindihan. Gusto ko'ng sabihin lahat ito sa iyo. Lahat ng pananaw, katanungan at paniniwala ko. Nais ko'ng sabihin na natanggap ko na ang posibilidad na sinasabi mo, sa tulong mo na rin. Subalit ang mas nagpapaligalig sa akin ay ang mga katagang inutal mo bago ito. Kung bakit na tinuturing tayong di tanggap? Kung paano ang mga ganitong uri ng relasyon na tulad ng sa atin ay temporaryo lamang at hindi nagtatagal? Na kung tutuusin, lahat naman ng relasyon ay hindi kailanman nangako ng tagal o panahon. Ang lahat ay nakadepende sa magkarelasyong nagdadala nito. At kung bakit napakadali sa iyong tanggapin na lang lahat ang mga bagay na ito? Marahil nga hindi pa ako handang maunawaan ang mga sagot sa mga katanungang ito. Dahil isa lamang ang natitiyak ko, chummy man, pero yun ay ang mahal na mahal kita. *** Hindi ko na matandaan ang eksaktong pangyayari kung paano tayo nagkakilala. Basta ang natatandaan ko, kolehiyo ako nuon at pinakilala ka sa akin ng isang kaibigan. Mula noon madalas na tayong magkita. Tahimik ka na noon, laging malalim ang iniisip at parang wala sa sarili. Sa simula inaamin ko naweirduhan din ako sa iyo at hindi ko rin masisisi ang iba kung yun din ang impresyon nila. Subalit maliban dito, wala na akong pwedeng mapintas pa sa iyo. Ikaw na marahil ang tanging nakilala ko na taimtim na nakinig sa mga salitang lumabas sa bibig ko, problema man o simpleng kwento. Ni minsan hindi ko naalalang sumabat ka sa tuwing nagsasalita ako na malimit gawin ng mga nakakusap ko. Lagi ka lamang bukas na nakikinig at pagkatapos ay saka ka magsasalita. Pagdating naman sa mga pananaw at opinyon, hindi ka rin naman nagpapahuli. Kadalasan pa nga, nararamdaman ko ang bobo-bobo ko kapag kausap kita. Subalit ayaw na ayaw mo'ng maramdaman ko ito. Mula sa mga pananaw mo natutunan ko'ng hanapin ang sarili ko'ng daloy ng pag-iisip. Naintindihan ko ang maraming bagay at napaliwanag ko ang maraming pangyayari dahil na rin sa madalas na usapan natin. Hindi ko man alam ang lahat, gaya nga ng sinabi mo na wala naman pwedeng makaalam ng lahat, hanggat may pananaw ako'ng panghahawakan at paninindigan, tama o mali man ito sa iba, sapat na iyon. Hindi yung nakikiaangkas ka lamang sa kuro kuro ng kesehodang pilosopo diyan sa tabi-tabi. Naalala ko, madalas pa nga tayong inaabot ng madaling araw sa pagdedebate ukol sa iba't ibang bagay. Kadalasan mula sa usapin ng buhay, lipunan, rebolusyon hanggang sa mga interpretasyon ng mga napanuod na pelikula, palabas, librong nabasa, at mga debuho o likhang sining na nasaksihan. Karamihan pa nga sa mga diskursong ito ay kadalasang nauuwi sa mainit na balitaktakan at pagkatapos ay magtatawanan tayo. Hanggang sa lumamig ang ating kape, nagligamgam ang ating serbesa at naupos na rin ang ating sigarilyo. Datapwat kung iisipin nabusog naman ang ating mga sarili at ito ay unti-unting naging ating pinakamapaghanap na bisyo, ang ating pinakamatipid na bisyo. Isa na marahil ang mga alaalang yun sa naging dahilan kung papaano kita lubos na nakilala, paano tayo nagsimula at papaano tayo nagpatuloy sa kabila ng lahat ng mga nakatagpong pagsubok. *** Sa pagdaan ng mga sandali, nagpatuloy tayong mag-isip, kumilos at dumama ng magkahati. Kungsaan masasabi ko sa isang banda, nabuo ang aking pagkataong malaon ko ng hinahanap. Natandaan ko minsan, matapos ang isang mahabang diskurso tungkol sa pelikulang Y Tu Mama Tambien na pinanuod natin, bigla mo akong tinanong: ng maliban sa iyo, ilan na ang nagiging karelasyon ko? Walang kaabog-abog at malisya kung sinabi sa iyo'ng, ikaw lang. Natahimik ka ng ilang sandali, datapwat hindi ko napansin ang pananahimik mo. Hanggang sinabi mo sa akin na, malayo-layo pa ang aking lalakbayin at marami pa ako'ng makakatagpo na tatambon sa kung sino man ako ngayon at kung sino ka para sa akin. Napalingon ako bigla sa iyo dahil sa mga salitang narinig ko. Nakita ko sa iyong mukha, sa unang pagkakataon ang takot at lungkot na ngayon ko lang nakita. Animo'y ang lahat ng tapang at kasiguraduhan na nakilala ko sa iyo ay dagliang nilamon ng kawalang katiyakan. Agad ko'ng inabot ang kamay mo upang isalba ang nauupos na tiwala. Tumingin ka sa aking mga mata at bumulong, "ang kung ano man ang meron tayo ngayon ay hindi nangangako ng katiyakan dahil ito ang buhay. Mas madalas nadadaig ng pagnanasa ang pinakainosenteng emosyong nararamdaman. Kung dumating man ang sandaling yun sa iyo, huwag mo'ng hahayaang matali ka ng mga alaala at pangako dahil inebitable ang pagbabago. Ang panahon at mundo ay hindi kailanman maghihintay sa iyo, sa akin o sa ating dalawa. Natahimik ako. Nablanko muli ang aking isipan matapos ang mahaba-habang panahon. Walang salita ang lumabas sa aking bibig at tanging mainit na hinga ang nararamdaman ko. Hindi ko nagawang mangako bagkus marahan ko'ng hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay mo. Nangungusap sa aking isipan na, nawa'y kahit papaano ay maramdaman mo pa rin ako, ano man ang mangyari sa ating dalawa, sa pamamagitan ng pag abot ng kamay ko. Ito'y walang pangakong linalakip, ni sumpang ibinubulong tanging isang hiling na sana maging panatag ang lahat sa pagdampi ng mga palad ko sa iyo. Natapos ang gabi ng magkahawak ang ating mga kamay at sa aking panaginip naglalayag tayong dalawa sa habas ng panahon. Dumaan ang mga oras, araw, linngo, buwan at mga taon. Nagpatuloy tayo hanggang sa dumating sa yugtong nasalisihan na natin ang mga nangyari noong gabing yun. Lahat sa atin ay maayos na nagpatuloy bagamat hindi laging may ngiti, subalit matagumpay namang nailuwal.
***
Minsan nagpasama sa akin ang isa sa mga matalik ko'ng kaibigan sa isang party. Kahit ang totoo ay ayokong talagang lumabas, ayoko rin kasing isipin mo na nagbago na ako, kaya't sumama na rin ako. Usual na lang ang umalis sa bahay ng hindi hinihingi ang permiso ng bawat isa. Dahil kung tutuusin, wala naman talagang rason kung bakit kailangan pa nating gawin yun. Nag iwan lang ako ng note sa mesa na lumabas ako, kung sakaling dumating ka na wala ako para lang alam mo.
***
|
| Leave a Comment: |